Paano pumili ng tractor para sa iyong farm?
- Isaalang-alang ang laki ng bukid
- Ilista ang attachments na kailangan
- Mag-inquire ukol sa hydraulic system
- Pumili ng gulong
- Huwag kalimutan ang comfort ng operator
- Siguraduhin na mayroong spare parts
Ang tractor ay isang agricultural machinery na nagbibigay ng maraming benepisyo para sa mga magsasaka at may-ari ng mga sakahan. Ito ay nakakatulong mapabilis ang pagbubungkal ng lupa, pag-aararo, at pagtatanim sa bukid. Dahil napakaraming gamit ng tractor, nababawasan nito ang mga pisikal na trabaho na kailangang gawin sa sakahan. Maliban dito, makakatulong ito palawakin ang lupain na kayang trabahuhin sa isang araw. Kung ikaw ay interesado, heto ang mga tips kung paano pumili ng tractor.
Isaalang-alang Ang Laki Ng Bukid
Bago ka bumili ng tractor, maiging malaman mo ang laki ng iyong bukid. Maliban dito, hindi lahat ng sakahan ay patag, kung kaya maaaring may mga puno, bakod, o bahay na madaanan habang nagtratrabaho. Makakatulong ito sa pagpili mo ng sukat, horsepower, at bilang ng tractor para sa iyong farm.
Kung malawak ang iyong sakahan, kailangan mo ng tractor na may mataas na horsepower. Inirerekomenda ang 45 hanggang 70 HP para sa mga mas malaking bukid at ang 20 hanggang 35 HP para sa mga mas maliit na sakahan. Matutulungan ka ng iyong supplier sa pagpili ng tamang tractor.
Ilista Ang Attachments Na Kailangan
Ang susunod na hakbang ay ilista ang mga trabahong kailangan mo asikasuhin sa farm. Ang rason kung bakit kapakipakinabang ang tractor sa mga sakahan ay ang mga attachments at implements na maaari mong magamit kasabay nito.
Isa sa mga pangkaraniwan na attachment ay ang loader. Ito ay ikakabit sa harapan ng tractor para makatulong magbuhat at maglipat ng pataba sa lupa, dayami, graba, at iba pa. Maliban dito, may mga attachments rin na makakatulong magbungkal ng lupa, magtanim, mag-ani at kung anu-ano pa. Ito ang iba pang mga halimbawa:
- Backhoe
- Bedformer
- Dozer
- Furrower
- Grabber
- Power Harrow
- Harrow Trailer
- Harvester
- Land Leveler
- Paddy Wheel
- Planter
- Plower
- Rotaslasher
Nakadepende rin sa attachment o implement na iyong gagamitin ang horsepower ng tractor. Para sa paggapas, pagbungkal ng lupa, at pag-aani, ang 30 to 40 HP ay inirerekomenda. Para sa mga mas mabigat na gawain tulad ng paghuhukay, konstruksyon at pagtratrabaho sa maburol na lupain, mas nangangailangan nang mataas na horsepower.
Mag Inquire Ukol Sa Hydraulic System
Ang hydraulic system ay importante sa pagpapaandar ng tractor. Ang hydraulic fluid ang dahilan kung bakit nakakapagbuhat at nakakaliko ng maayos ang equipment. Ito ay ang pwersa na nagpapaandar sa mga attachments at implements. Maliban dito, kailangan din ang hydraulics sa lubrication at heat transfer. Dahil dito, posible ang mga trabahong nakakapagod gawin ng walang makina.
Kung plano mong bumili ng tractor, magtanong tungkol sa hydraulic system nito. Mahalaga ito kung kailangan mo ng malakas na lifting power, lalo na kung gagamit ka ng mga loader.
Pumili Ng Gulong
Ang gulong ay isa pang importanteng aspeto ng tractor. Depende sa uri ng lupa mayroon sa iyong sakahan at sa gawain na iyong kailangan tapusin, maaaring magrekomenda ang iyong supplier ng mas maliit o mas malaking gulong.
Halimbawa, kung gagamitin mo ang tractor para maggapas, mas kailangan mo ang turf tire. Ang uri ng gulong na ito ay dinisenyo para gamitin sa mga patag na lupain nang hindi winawasak ang damo. Kung iba-iba ang lupain sa iyong farm, maaari ring irekomenda ng iyong supplier ang industrial tire.
Huwag Kalimutan Ang Comfort Ng Operator
Kayang padaliin ng tractor ang mga gawain mo sa iyong sakahan. Kumpara sa manual na trabaho, mas marami kang magagawa gamit ang makinang ito. Dahil magagamit mo ito ng mahabang oras, importante na isaalang-alang mo ang iyong comfort sa trabaho. Makakatulong to mabawasan ang iyong pagod para makapagtrabaho ka ng mas mahaba.
Habang tumitingin ng tractor, ito ang ilan sa mga bagay na dapat mong hanapin:
- Malawak ang tractor cab
- Adjustable ang upuan
- Madaling maabot ang controls
- Malinaw ang panel lights
Maliban dito, tignan din kung kailangan mo ng airconditiong system sa iyong tractor. Makakatulong ito mas maging kumportable ang iyong trabaho. Tanungin ang iyong supplier kung maaari silang magpa test-drive para subukan mo ang tractor.
Siguraduhin Na Mayroong Spare Parts
Bago ka bumili ng tractor, mahalaga rin na alamin mo kung saan kukuha ng spare parts. Sa paglipas ng panahon, may mga parte ng makina ang kailangan palitan. Kung mahihirapan ka makahanap ng kapalit, baka mahinto ang iyong pagsasaka. Imbes na makatipid, baka mapilitan ka bumili ng bagong tractor.
Kaya kung maghahanap ka ng supplier, alamin mo kung nagbebenta rin sila ng spare parts o nag-aalok ng repair at maintenance services.
Key Takeaway
Maraming bagay na dapat isaalang-alang bago bumili ng tractor. Bilang investment, kailangan mong siguraduhin na ang makinang mabibili mo ay nararapat sa laki ng iyong sakahan at mga gawain sa bukid. Maliban dito, huwag mo ring kalimutan ang comfort habang ginagamit ang tractor. Huli sa lahat, alamin kung saan ka makakahanap ng spare parts kung kailangan.
Kung kailangan mo ng tulong paano pumili ng tractor, maaari mo kaming i-message rito sa Ford Tractor Philippines! Tutulungan ka namin humanap ng makina at attachment na bagay sa iyong farm. Mayroon din kaming 7 na service centers sa bansa kung saan may in-house mechanics na sanay sa pagserbisyo sa mga tractor. Maliban dito, nagbebenta rin kami ng mura at on-hand na spare parts kung kailangan mo ng replacement.