Ano ang safety checklist para sa tractor?
- Bago sumakay sa tractor
- Habang nakasakay sa tractor
- Pagkatapos gamitin ang tractor
Mahalaga na tignan mo ang kundisyon ng iyong tractor bago at pagkatapos mo ito gamitin. Sa pamamagitan nito, makikita mo ang mga problema na maaaring humantong sa aksidente. Maliban dito, magkakaroon ka rin ng pagkakataon para kumpunihin ang mga maliliit na isyu para maiwasan mo ang magastos na pagpapagawa. Dahil dito, importante na alam ng mga may-ari at operator ng makinaryang ito ang safety checklist para sa tractor.
Ang isang safety inspection checklist ay makakatulong para hindi mo makalimutan ang mga importanteng hakbang habang sinusuri ang kundisyon ng iyong tractor. Mahalaga ito dahil ang makinaryang ito ay binubuo ng maraming parte. Dahil may dokumento ka ng inspection, mas madali mong masusubaybayan and kundisyon ng iyong equipment. Malalaman mo rin kung anong mga parte ang madalas masira.
Heto ang iilan sa mga bagay na maaaring matagpuan mo sa isang safety checklist para sa tractor. Ipatuloy ang pagbabasa.
Bago Sumakay Sa Tractor

Ang inspection ay dapat gawin lamang kapag ang tractor ay nasa patag na lupa at malayo sa mga umaandar na sasakyan o agricultural equipment. Bago gamitin ang tractor, maglakad ka sa paligid nito at suriin at ayusin ang mga sumusunod:
- Mga sira-sira at lumang parte
- Maluwag o sirang bolts at nuts
- Tumatagas na coolant, fuel oil, at iba pang likido
- Mga hiwa at sira sa gulong
- Mga dumi sa platform area
Maliban dito, buksan ang takip ng makina at gawin ang mga sumusunod:
- Siguraduhin na nasa tamang lebel ang engine oil, coolant, fuel, hydraulic fluid, at iba pang likido. Kung may tumatagas, hanapin ang pinagmumulan nito.
- Tignan kung may dumi ang radiator grill
- I-check ang battery electrolyte level at siguraduhin na hindi kinakalawang ang battery terminals
- Linisin ang dumi o bara sa air filter
- Tignan kung tama ang tension ng cooling fan belt
- Suriin ang electrical wiring para sa sira o maluwag na joints
Maglaan ng oras para siyasatin ng maigi ang tractor para sa mga defective o sirang parts. Kung may parte na may sira o hindi gumagana ng maayos, dapat ipagpaalam ito ng operator o ng taong nagsagawa ng inspection sa supervisor o authorized person.
Inirerekomenda na palitan o ayusin muna ang mga ito bago gamitin ang tractor. Maaari kang kumonsulta sa operator’s manual para sa mga tips. Kung malala ang sira, tumawag ng professional technician upang matulungan ka.
Habang Nakasakay Sa Tractor
Kung walang nakitang problema sa labas at makina ng tractor, maaari ka nang sumakay sa loob. Pero bago paandarin ang makinarya, magandang ideya na gawin muna ang mga sumusunod:
- Linisin ang dumi sa bintana para mas maganda ang visibility mula sa operator’s seat
- Tignan kung may sira sa seatbelt, at kung naisusuot ito ng tama
Pagkatapos mo paandarin ang tractor, siguraduhin na gumagana ng maayos ang mga sumusunod:
- Engine temperature gauge
- Hour meter
- Oil at battery lights
- Front, tail, brake, at turn signal lights
- Horn
- Winshield wiper
- Brakes
Obserbahan kung mayroong mga kakaibang tunog na nanggaling sa tractor. Tignan din ang kulay ng exhaust gas. Depende sa kulay nito, maaari mong malaman kung may problema sa makina.
Maliban sa mga nakalista rito, magandang kumonsulta sa operator’s manual para sa ibang mga parte na kailangan mong inspeksyunin.
Pagkatapos Gamitin Ang Tractor

Hayaan na magpahinga ang tractor ng sampung minuto bago ito lagyan ng cover. Siguraduhin na nakapatay at hindi mainit ang makina bago ka magsagawa ng inspection at maintenance.
Kung madumi ang tractor, maaari mo itong linisin gamit ang tubig. Mag-ingat upang hindi mo malagyan ng tubig ang mga electrical parts. Pagkatapos, punasan mo ito at lagyan ng lubricant ang mga moving parts.
Kung kailangan mo itabi ang tractor ng matagal, pumili ng lugar na may magandang ventilation. Tanggalin mo ang battery at main key. Huwag din kalimutan na i-lock ang clutch pedal at mga attachments.
Maliban dito, tiyakin na puno ang tank ng fuel oil. Mahalaga ito upang maiwasan ang pamumuo ng moisture sa tank na maaaring maging sanhi ng kalawang. Huwag kalimutang takpan ang ibang parte na madaling pasukan ng moisture.
Maglaan ng oras upang inspeksyunin ang tractor paminsan minsan para mapanatili ito sa magandang kundisyon.
Key Takeaway
Ang safety inspection ay makakatulong para makita mo ang mga problema sa tractor ng maaga. Sa pamamagitan nito, madali kang makakagawa ng aksyon kung kinakailangan.
Kung may mga tanong ka tungkol sa safety checklist para sa tractor, maaari mo kaming padalhan ng mensahe rito sa Ford Tractor. Tatlong henerasyon na kami nasa industriya ng agrikultura, kaya alam namin kung paano pahalagahan at mapanatili sa magandang kundisyon ang iyong tractor.
Kung kailangan mo ng tulong para inspeksyunin at kumpunihin ang iyong tractor, mayroon kaming pitong company-owned service centers sa buong bansa. Parati rin handa ang isang daan naming mga in-house mechanics para matulungan ka. Maliban rito, sinisigurado namin na kaya naming ayusin ang iyong tractor sa pinakamaikling oras.
